Batangas matagtag sa hambalos ng sunod-sunod na bagyo
Galaw ng BulkangTaal mahigpit na minamanmanan ng PDCC
Nananatiling matatag ang Batangas sa kabila ng sunod-sunod na hambalos ng mga nakaraang bagyo na tumama sa lalawigan sa taong ito ayon sa report ng Provincial Disaster Coordinating Council PDCC na pinamumunuan ni Governor Armando C. Sanchez sa ginanap na joint assembly meeting ng PDCC at Civil Defense Deputized Coordinators CDDC sa Bulwagang Batangan, Gusaling Kapitolyo.Sa ipinalabas na report damages and estimated cost value tanging ang bagyong Caloy ang nag-iwan ng malaking pinsala sa Batangas, kung saan umabot sa P2.18 bilyon ang nawasak na halaga ng mga ari-arian sa crops, livestocks at infrastructures kabilang ang 1,651 na nasirang kabahayan na may 2,327 na apektadong pamilya.Ayon pa kay PACD chief Celia Atienza tumatayong coordinator ng PDCC, hindi rin matatawaran ang kasiraang idinulot ng bagyong Melenyo na tumumbok sa hilagang bahagi ng lalawigan na nag-iwan ng halos P485.5 milyon damages, kabilang ang limang namatay at dalawang malubhang nasugatan sa kasagsagan ng kalamidad. Kasabay ng ginanap na assembly pinagkalooban ni Governor Sanchez sa pamamagitan ng DSWD ng tulong pinansyal ang pamilya ng mga biktima na tumanggap ng P10.000.00 bawat naulila habang ang pamilya ng nasugatan ay P5.000.00. Ang super typhoon Reming na ayon sa balita ay sisentro Batangas gayundin ang katatapos lamang na bagyong Seniang ay may dapat ipagpasalamat ang mga Batangueño sa dahilang minimal lamang ang iniwang pinsala ayon pa sa paglalarawan ni Gng. Atienza. Sa ngayon mahigpit na tinututukan ng PDCC katuwang ang PHIVOLCS, ayon na rin sa derektiba ni Gov. Sanchez ang galaw ng Bulkang Taal na bagaman nanatiling tahimik ayon sa mga eksperto sa mga nakalipas na panahon ay dapat ang masusing pagmomonitor. Nagbigay ng update sa kasalukuyang kalagayan ng Taal Volcano si PHIVOLCS Director Renato Solidum. Kaugnay rin nito sa pagtitipong ginanap ang presentasyon ng proposed CONPLAN TAAL, kabilang sa mga nagbigay ng panayam at masusing pagbabanghay sa paghahanda sina Jocelyn Atienza CDDC –San Nicolas na nakatutok sa 7KM Danger Zone, si Nelly Riza Montenegro CDDC-Cuenca sa 8-10KM Danger Zone habang sa 11-15KM Danger Zone ay tinututukan ni Victorino Vergara CDDC-Alitagtag. Ang mga pagkilos na ito ay bunsod na rin ng di-man inaasahan ay dapat paghandang sakuna na maaaring idulot ng pagsabog ng bulkan na ayon pa kay Atienza ay “nakakabahala ang matagal na pananahimik”.
Sa ngayon ay nakahanay na ang sunod-sunod na series ng mga disaster drill na isinusulong ng PDCC katuwang ang iba pang lead agency ng pamahalang lalawigan, mga munisipyo na nakapalibot sa lawa ng taal at ang mga concern agency ng pamahalaang nasyunal. Bukod kay Solidum, dumalo rin sa makabuluhang pagtitipon si Office of Civil Defense-IV A Dir. Armando Duque, OIC Batangas Provincial PNP Director P/S Supt. Edmond Santos-Zaide at kinatawan ni P/S Supt. Rodolfo Magtibay, RDCC-VI A, Deputy Director for Operation. JoAz/Batangas PIO Newscenter